Sabado, Nobyembre 27, 2010

Malapit Na

Bilang na ang araw ng taong 2010. Nangangahulugang nasisilip at nasisipat na natin ang bagong taon na paparating.
Totoo ang sinabi ng ibon na wala namang pagbabago kung magpapalit man ng taon. Isa lamang itong panibagong numero sa mga nakasabit nating kalendaryo. Totoo rin naman nung sinabi niyang maaari ka namang magsimula kahit kailan mo naisin, na hindi mo hinhintay na magpalitan ang buwan at taon.

Ngunit sa kabila ng katotohanang ito, ganito naman ang paliwanag ko:

Sa unang araw na isinilang tayo ng ating mga ina mula sa kanilang sinapupunan biniyayaan tayo ng mundo ng natatanging araw para simulan ang pakikipag-kamay sa ating kinabukasan. Ito ang araw na sisimulan natin ang lahat, mula sa paghinga hanggang sa pinakahuli nating paghiram ng hininga. Ang unang araw ng taon o yung unang numero sa kalendaryo ay tila isang malakas na putok ng baril na nagsasabing umpisa na ng karera na itinakda ng tadhana at kinikilala ng nakararami. Naniniwala akong mas madadagdagan ang kompyansa ko sa sarili na tumakbo kasabay ang prinsipyo at pangarap ko kung alam kong nag-uumpisa ang panibagong taon. Sa unang araw lang nito ko mararamdaman na bago ang palaruan, na bago ang pahinang pagsusulatan at bago ang lahat – walang pagbabasehan, walang pagdududahan.

Sisimulan ko ang lahat sa paraang alam kong nararapat. Sisimulan ko ang lahat gamit ang tamang balanse ng puso at karunungan.  

Tanging hinihintay ko na lang ay ang pagputok ng baril na hawak ni kapalaran. Tatakbo pa ako.

--
P.S. Nawa’y sa pagbukas ng bagong taon, matutunan mo na ring lumipad ng paunti-unti sa piling ng iyong bagong langit.  

Biyernes, Nobyembre 26, 2010

Dahil Sa'yo

Marami ang naghahangad ng perpektong pag-ibig na tatagal ng panghabang-buhay. Ngunit, gaano ka kahandang talikuran ang nakasanayang pag-ibig para sa katuparan ng pangarap ng iyong minamahal?


Mahigit ilang minuto na lang ang hinihintay bago ang malaking araw para kay Greg. Ikakasal na ito sa kanyang tunay na minamahal. Sa maliit na kwarto kausap ng binata ang kanyang matalik na kaibigang si Philip, na kanya ring bestman. Ikinukwento nito ang ilang importanteng bagay na natutunan niya sa larangan ng pag-ibig.


Si Greg isang binatang nahanap ang sarili mula sa makabuluhang nakaraan at natatanging relasyon. Malayo siya sa piling ng kanyang ina na nagtatrabaho sa ibang bansa, hiwalay na ito sa kanyang ama na may iba na ring pamilya. Tanging ang nakakatandang kapatid na lang nitong si Julio, isang guro sa isang kilalang kolehiyo, ang kasama nito sa bansa. Si Julio madalas ang nagiging hingahan ni Greg kapag ito’y may seryosong problema. Sa parehong kolehiyo rin nag-aaral si Greg na halos limang taon na rin ang tinagal. Sikat ang binata sa unibersidad, hindi lang dahil sa matipunong dating nito sa mga kolehiyala kundi pati na rin sa husay nito sa pagtakbo. Madalas kasi itong isali ng paaralan sa iba’t-ibang paligsahan.

Si Karina, isang probinsyanang mag-isang tumulak ng Maynila upang hanapin ang oportunidad at pag-asa na para sa kanya. Masipag at determinado ang dalaga na maabot ang kanyang mga pangarap sa buhay. Hindi niya bibiguin ang pamilya na sa kanya’y laging nakasuporta. Pumasok siya bilang isang assistant event coordinator sa isang events management agency. Hilig nito ang pagkuha ng larawan ng mga iba’t-ibang bagay at mukha. Para sa simpleng dalaga, ang buhay ay isang pinagdugtung-dugtong na mga larawan na may iba’t-ibang emosyong dala na patungo sa iisang landas - ang tunay na kaligayahan.

Abala ang kompanyang pinapasukan ni Karina, nalalapit na kasi ang isang International Marathon na kanilang ekslusibong i-oorganisa sa susunod na linggo. Bukod sa pag-aasikaso ng mga reservations, naatasan din si Karina na kumuha ng mga larawan na posibleng ipakita sa ilang kilalang websites. Katulong niya dito ang kanyang kaibigan at katrabahong si Nancy. 

Sa isang insidente sa mismong marathon, habang kinukunan ni Karina ang napakagandang anggulo, aksidenteng nasagi ng isang tumatakbo ang lente ng kanyang kamera. Saglit na naasar ang dalaga sa tila kapreskuhan ng binatang sumira ng kanya sanang perpektong larawan. Patuloy pa rin ang pagkuha ni Karina ng iba’t-ibang larawan habang nakapwesto sa isang gilid. Natuwa ito ng nakunan niya ang matandang mag-asawa na sabay na tumatakbo habang magkahawak-kamay. Perpekto na sana ang larawan para sa kanya, ngunit ang preskong binata na siya ring nakasagi ng kanyang kamera ay nakapwesto sa likod nito. Matagumpay ang nasabing marathon. Habang inililigpit na ng grupo nila Karina at Nancy ang kani-kanilang mga gamit, lumapit si Greg upang humingi ng paumanhin kay Karina. Sa una’y medyo hindi pa kumikibo ang nakaismid na dalaga ngunit dahil sa natural na karisma ng binata maya-maya na lang ay nakita nila ang kanilang sarili na nagtatawanan sa isa’t-isa. Panandaliang nag-usap ang dalawa at nagkakilanlan.

Kilalang lapitin ng mga kababaihan itong si Greg. Hindi na rin mabilang ang naging relasyon nito sa iba’t-ibang dalaga na pawang lahat ay puro laro lamang. Sa kabila ng ganitong mga birong relasyon, malinaw pa rin sa binata ang hangarin nitong magkaroon ng normal at buong pamilya balang araw. Sa kabilang banda ang dalagang si Karina ay nakaranas na rin ng pait na dulot ng pakikipagrelasyon, ganunpaman patuloy pa rin itong umaasa na makikita niya balang araw ang isang nilalang na kukumpleto sa kanyang buhay. 

Mahilig si Karina pumunta sa isang pampublikong parke pagkatapos ng oras nito sa opisina. Dala dala ang kanyang kamera, sinusubukan niyang bumuo ng iba’t-ibang tema ng larawan base sa mga nakikitang emosyon at pigura. Nagkataon naman na napadaan si Greg sa parke matapos tumakbo sa isang malapit na track and field. Nagkasalubong ang kanilang mga mata na tila nananabik sa presensya ng bawat isa. Pawang kaligayahan at iba’t-ibang kwento ng karansan ang naging timpla ng hangin sa paligid nila. Naging seryoso ang tema ng ipaalam ni Greg sa dalaga ang tungkol sa kanyang pamilya. Sadyang malalim ang pinanggagalingan ng binata na agad namang naunawaan ng dalagang si Karina. Para panandaliang maibsan ang dinadala ni Greg, sinubukan ni Karina na turuan itong kumuha ng magandang larawan.  

Hanggang sa dumating ang araw na nahulog na nga ang kani-kanilang damdamin sa isa’t isa. Sa mga panahon ding ‘yun bumalik ang kumpiyansa ni Karina sa mga lalaki tungo sa pakikipagrelasyon. At si Greg, tuluyan na ngang nakilala ang totoong konsepto ng pag-ibig. Sa mga tagpong nagkakasama ang magkasintahan, may isang bagay na napapansin si Karina sa kanyang nobyong si Greg, hindi nito kayang ihayag sa salita ang kanyang pasasalamat sa halip inihahayag ng binata ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang kilos at pagmamahal. Hindi naman ito naging hadlang sa kanilang pag-iibigan.
                                                                                                                           
Mula din noong mga araw na iyon, patuloy ang mga aral na nakukuha nila sa bawat isa. Isang malusog at masayang relasyon. Batid nila ang kahinaan at kakayahan ng bawat isa. Ang mga taong nasa paligid nila ay tila walang duda na sila na nga ang itinakda ng tadhana para magmahalan. Bumalik ang kumpiyansa ni Greg sa pag-aaral at lubusan na nitong natuklasan ang gusto niya, ang maging isang magaling na direktor balang araw.

Isang magandang balita ang dumating kay Greg, naipasa nito ang scholarship grant sa isang film school sa Amerika, sa parehong bansa rin kung saan nagtatrabaho ang kanyang ina. Katuparan ng pangarap ang biyayang ito para sa binata. Habang sa kabilang banda, kalungkutan ang tila naghahari sa kanyang puso dahil nangangahulugan din itong panandalian siyang mawawalay kay Karina.

Agad niyang kinausap si Karina tungkol dito at tanggap naman ng dalaga ang ganitong posibilidad. Ngunit dahil masakit ito para sa kanilang dalawa, binanggit ni Greg na handa niyang isuko ang pangarap para kay Karina. Hindi ito nagustuhan ni Karina, dahil alam niya kung gaano kahirap kumpletuhin ang pangarap. Nagsimulang magkasakitan ng loob ang dalawa. Pinilit ni Karina na makuha ni Greg ang kanyang pangarap kaya gumawa siya ng paraan para malayo ang loob ng binata sa kanya. Sa inaasahang tagpo, nasaktan ang loob ni Greg kaya tuluyan na itong lumipad ng ibang bansa. Inihahatid na ni Julio si Greg sa paliparan, at sa hindi kalayuan nakasilip si Karina, lumuluha habang hawak-hawak ang larawan na para sana sa binata.

Tanging ang tadhana ang magdedeklara sa huli kung ang kanilang pag-iibigan ay hahantong sa magandang yugto. Limang taon para bigyang katuparan ang kani-kanilang pangarap, limang taon para subukan ang ibang landas at limang taon para bigyang tatag ang pag-ibig na pinaglayo ng kapalaran. Hindi ito naging madali ngunit kailangang pagdaanan.

Araw ng pagbabalik ng binata sa Pilipinas. Nagtagumpay si Greg sa kanyang pangarap, sa mga susunod na buwan sisimulan na niya ang kanyang unang pelikula.

Si Karina, masayang pinapatakbo ang kanyang papausbong na events planning agency na bunga ng kanyang pinagsamang talento at determinasyon. Kasama niya rito ang kanyang matalik na kaibigang si Nancy.

Pinuntahan ni Greg ang parke na naging saksi sa kanyang magagandang karanasan. Malaki na ang pinagbago ng nasabing lugar ngunit lubos na tumatak ang mga aral at masasayang bagay sa kanyang puso. Natapos ang kanyang pagbabalik-tanaw nang tawagin siya ni Thea upang puntahan ang kanilang pakay sa Maynila. Si Thea, ang dalagang nakilala at nakasama niya sa Amerika.

Habang inihahanda ang ilang mga importanteng bagay at dokumento, nakita na ni Karina ang kanyang kliyente sa umagang iyon kasama ang pamilyar na lalaki habang papasok ng kanyang opisina. Hindi maikakaila ang katuwaan sa puso ng dalaga nang makita niya si Greg. Tunay ngang nakatayo na ito mula sa malungkot na nakaraan.

Habang kinukunan ng larawan ni Nancy ang kababatang si Thea, malugod na nag-uusap sina Karina at Greg. Lubos ang kanilang kagalakan nang matuklasan at marinig ang ilang pagbabago sa kanilang buhay. Hindi tuloy naiwasang maluha ng dalawa dahil sa kasabikang makita ang bagong anyo ng bawat isa. Nang matapos na makunan ng larawan si Thea, agad ng iniabot ni Karina ang ilang mahahalagang dokumento at kontrata kay Greg. Kasama ng dokumentong iyon ang larawan na nabigo niyang i-abot noong papaalis ito tungong Amerika.


Halos patapos na ang pagkukwento ni Greg kay Philip, nang tawagin na siya ni Karina.

“Greg, hinihintay ka na ni Thea.” Wika ng dalaga sa ikakasal na binata.




----
Written last October 11, 2010

Martes, Nobyembre 23, 2010

Pilosopong Pasko

Si Santa Claus. Hindi siya isang imahe o simbolo ng pasko, isa siyang nilalang na nagbibigay pag-asa para sa mga taong naghahangad ng mumunting ligaya. Siguro nagkataon lang na pula ang kanyang damit at hilig niyang magbigay ligaya sa mga bata. Kung hindi naman, nagkataon lang din siguro na ipinanganak siya sa buwan ng pasko.

Ang tagapaghatid ng regalo at ang tagahabi ng kwento.
Si Pilo. Hindi siya isang likhang isip na naglalaro sa isang maliit at libreng espasyo ng internet, isa siyang konsepto na naglalaro sa iba’t ibang hubog ng emosyon at pakiramdam na nakalilikha ng samu’t saring kwento at kadramahan. Siguro nagkataon lang din na komportable siyang magtipa ng kwento sa halip na matulog ng napakahabang panahon.

Isang tagpo. Sa isang mahabang kahoy na nagsisilbing upuan sa harap ng maliit na tindahan nakaupo si Santa Claus habang nakatingin sa malayong lugar. Napadaan si Pilo upang bumili ng isang boteng softdrink.

Santa Claus: Oh, Pilo. Kamusta ka? Balita ko may drama sa loob ng bahay mo ah, okay ka lang?
Pilo: Isa nga pong coke 8oz. (Sabi nito sa tindera na nagsasabit ng parol sa kanilang sala) Ano yun? 
Santa Claus: Tinatanong ko kung okay ka lang, kasi balita ko may kadramahan ka sa bahay mo.
Pilo: Akala ko ba matalino ka? Alam mo naman palang may drama bakit naman sa tingin mo okay ako? Salamat. (sagot nito habang inabot ang malamig na softdrink)

Santa Claus: Ha-ha! Loko ka, pero alam mo hindi naman tayo nagkakalayo ng pinagdadaanan eh.
Pilo: Oh eh bakit, anong meron? Sikat ka na naman nga ngayon eh.
Santa Claus: Eh yun na nga eh, maraming bata ang may gusto ng iPad ngayong pasko, eh wala na akong pera, matagal ng hindi narereimburse ng bossing ko yung mga abono ko eh.
Pilo: Loko ka pala eh, eh bakit hindi mo subukang magresign dyan?

Santa Claus: Akala ko ba matalino ka? Alam mo namang ako si Santa Claus eh, tapos sasabihan mo akong magresign? Haay naku.
Pilo: Wala namang mawawala kung magresign ka eh.

Santa Claus: Wala rin namang mangyayari kung magdadrama ka dyan eh.

Heto sina Santa Claus at Pilo sa gitna ng pagkakataon at sitwasyon. 
Ngayon ang tanong -- wala nga bang mawawala? Wala nga bang mangyayari?

Malungkot na Sipon

Nalulungkot talaga ako.

Sa lahat ng tao sa mundo bakit ako pa ang mabibiktima ng panahon at pagkakataon? Ginawa siguro ang taon na ito para lang sa akin, kung hindi naman ginawa ako para sa kakaibang taon na ito.

Ang sipon kong ito ay halos dalawang linggo na, walang tigil sa kasisinga at kasisinghot ang namumula kong ilong. Karaniwan namang nawawala ito agad, sadyang nakakairita lang sa pakiramdam. Sana naging sipon na lang ang sitwasyon ko sa kasalukuyan, yung tipong kahit mamula na ang puso at kaluluwa ko sa hirap eh ayos lang dahil alam kong mawawala din ito.

Pero ang katotohanan sa likod ng nakalulungkot na sipon at realidad ng buhay, ay hindi mo alam kung kailan ito mawawala. Hassle ika nga.  

That is something unforgiveable. I could’ve asked you to go out. Oo talaga.

Hindi ko alam kung hanggang saan ang pagpupumilit kong ito, pero ang malinaw sa ngayon ay ang katotohanang may karugtong pa ang eksenang ito at ang pagpipinta ng kwentong ito. Hindi ko lang alam kung kailan. 

Sabado, Nobyembre 13, 2010

Para Kay Kaytian

Kaytian.

Lagi kang laman ng panalangin ko. Laging kong binubulong kay Papa God na gabayan ka at ilapit ang puso mo sa Kanya. Dahil higit kaninuman, ikaw ang lubos na nasasaktan sa malabo at malungkot na sitwasyon natin. Sa bawat ginagawa ko, iniisip ko kung kaya kong ibsan ang mga nararamdaman mo. Matagal na tayong hindi nagkikita, matagal ko na ring hindi naririnig ang mga pilyo mong tawa. Ipinangako ko noon ang ilang simpleng bagay sa’yo, pero kahit anong pilit kong gawin talagang hindi sumasakto ang pagkakataon sa mga desisyon ko.

Kaunting pasensya at pag-unawa sa sitwasyon. Hindi ko alam kung hanggang kailan ang bagyo sa nakasanayang lugar, ngunit pipilitin kong baguhin ang timpla at kulay ng dati nating palaruan. Tatagan mo ang pisi at subukan mong bitbitin ang pag-asa na natitira sa puso mo, subukan mo akong gayahin sa pagkakataong ito. Gawin mo ito para sa sarili mo. Marami kang pangarap at marami pa tayong pag-uusapan.

Mag-ingat ka. Mahal na mahal kita Kaytian!

Basang Sapatos

Sadyang ginawa ang mga araw na ito para ipaunawa sa akin kung gaano ako kahina. Sa kabilang banda ito rin ang dahilan kung bakit ako naglalakad sa gitna ng nakapipinsalang bagyo habang saklay saklay ang natitira ko pang baong pag-asa.

Wala akong payong at piling pili lang ang maaari kong masilungan. Lumalabo ang daan, walang pwedeng mapagtanungan.

Sige lang, lakad lang.

"Past is a nice place to visit, but certainly not a nice place to stay." - Isang naligaw na text message habang isinusulat ang maikling himutok na ito. Salamat Papa God





Linggo, Nobyembre 7, 2010

Parol sa Pasko

Sa bintana ka madalas makita.
Pinapansin kulay mong may kakaibang saya.
Sa Pasko ikaw ang sentro’t bida.
Parol ako’y iyong bigyan ng pambihira mong ganda. Kaloka! 


Lunes, Nobyembre 1, 2010

Makulimlim na Lunes

Kanang kamay, patuloy sa pagtipa ng mga letra. Kaliwang kamay, pangsuporta sa ulo na bumibigat at nananakit sa bawat minutong lumilipas.

Wala pa rin akong klarong dahilan para maging masaya sa pagtatapos ng taon. Marami pa ring ano at sino akong hinihintay. Wala lang, sadyang matagal lang siguro ang byahe ng kani-kaniya nating buhay. Ipinapanalangin ko araw-araw na magkaroon ng isang dosenang pasensya at pag-unawa sa lahat ng bagay.  

Hindi ako sumusuko, dahil alam kong ganito kagulo at kasiksik sa pagsubok ang napasok ko. Ayaw ko lang dumating sa punto na ito rin ang dahilan ng pagsuko ko. Kilala ako ng ilan dahil sa kakaiba kong tiwala sa sarili at hindi-gaanong-popular na prinsipyo, ngunit sa pagkakataon at puntong ito masaya akong aminin na mahina ako.


Anak ng kwek-kwek! Nangangalay na kaliwang kamay ko, yuyuko na muna ako.