Lunes, Oktubre 25, 2010

Sampung Kilometrong Karanasan


10K: “Unang limang kilometro para kay Papa God at ang huling limang kilometro para sa bayan.”

Naging madali naman para sa akin ang unang limang kilometro, sa katunayan - kung hindi nagkakamali ang relos na suot ko, natakbo ko ang unang limang kilometro sa loob ng tatlumpu’t dalawang minuto. Habang tumatagal, ang mga sumusunod na kilometro ay naging isang napakabigat na pagtakbo, unti unti akong bumabagal at humihina. Kaya madalas na lang akong maglakad, kumuha ng larawan at pagmasdan ang samu’t saring suot ng mga tumatakbo. Ganunpaman, dahil para nga ito sa aking ipinaglalaban at sa aking lupang hinirang, patuloy ko pa ring sinubukang tumakbo at habulin ang bawat hiningang nawawala sa sistema ko. Mahirap at nakakapagod.

Natapos ko ang pagtakbo sa loob ng isang oras at tatlumpu’t pitong minuto. Labing pitong minutong huli sa ninanais ko. Ganunpaman, ang buong pagtakbo ay isang napakalaking tagumpay para sa akin. Sa huli isang masarap na almusal at isang naghihintay na kaibigan ang aking naging tropeyo!

Hindi ito ang huling pagtakbo ko, marami pang susunod dahil marami pa akong gustong alayan ng mga takbo ko. Malusog para sa puso at masarap sa pakiramdam ang mga karanasang ito.


“Hindi pala biro tumakbo, noh!” sabi ng mga babaeng nasa likuran ko habang tumatakbo. Tama po kayo, at hindi rin biro ang magsulat ng kwento habang nananakit ang halos pitumpu’t porsyentong bahagi ng katawan mo.


p.s. aksidente lang ang pagkasali ko dito. Salamat kay Mayang ligaw sa pag-imbeta sa akin ♥  Nasa ibaba ang resulta ng aming pagtakbo. :) 


5K: Para sa malusog na puso. 
10K: Para kay Papa God at sa bansa.

Lunes, Oktubre 18, 2010

Para Kay C, Mula Kay M.

M: Hindi ko alam ang pangarap na iyong sinasabi pero maliwanag sa akin kung gaano mo pinaghihirapan ang bawat larawan na kukumpleto sa iyong kaligayahan. Gusto kong ibulong sa hangin kung gaano ako nasasaktan sa tuwing nagigising ako na wala ka sa tabi ko. Kaibigan ko ang ulan at ang malamig na hangin, sinasamahan nila ako sa tuwing binabalot ako ng kalungkutan. Kailan ka kaya uuwi dito?

C: Gusto ko nang umuwi ng bahay. Nararamdaman kong lumalayo ako sa’yo at sa nakasanayan kong lugar. Ipipikit ko ang mga mata ko at uuwi ako mamayang gabi. May maghahatid sa akin at tiwala akong hindi nila ako ililigaw. Kung sakaling maaninag mo ako papalapit sa’yo, subukan mong lumapit at hagkan ang buo kong katawan. Huwag mo akong bibitawan hangga’t hindi mo bibigkasin ang mga salitang ‘Kamusta ka? Matagal na kitang hinihintay dito.’

Sa pinanggalingan ako'y muli mong makakasama.
M: Naiisip ko kung ano ang maaari kong sabihin at ikwento sa’yo pagdating mo dito. Kung saan kita unang ipapasyal habang nagbabalik-tanaw sa lahat ng mga magagandang karanasan natin sa buhay. Susubukan kong hindi ipakita sa’yo ang mga luha na hatid ng pangungulila ko. Ngunit ipangako mo ring magiging matatag ka hindi para sa akin, kundi para sa sarili mo.

C: Uuwi ako at pipilitin kong makita ka. Gusto kong mabuo ang larawan ng buhay ko. Susubukan kong maging maunawain sa lahat ng bagay. Ngunit subukan mo ring yakapin ang konsepto na hindi na tayo tulad ng dati. Hindi naman nagbago ang pagmamahal ko sa’yo. Mahal kita at alam mo iyan.

M: At alam mo rin na mahal din kita. Mag-iingat ka d’yan.

Hindi ito ang relasyon at romansa na alam ng halos marami. Ito ang kwento ni M, para kay C. 

Biyernes, Oktubre 15, 2010

Jack 'en Poy




Patunay lang na buhay pa ang diwa ng mga larong pangbata. Minsan may hatid pang kakaibang timpla. Nakumpleto nito ang araw ko.

Sa Obra ng Panaginip

Kaninang umaga lang naging opisyal na sagabal sa pantasya ko ang isang text message mula sa isang kaibigan.

Waaah! Gumising akong asar hindi dahil masama ang pakiramdam ko, kundi dahil naputol ang isa sa napaka-gandang panaginip ko.

Sa makulay at masaya kong panaginip, may girlfriend akong isang med school student. Balingkinitan ang katawan, maamo magsalita at may napakagandang mata. May dalawang taon ang tanda niya sa akin, kilala din siya bilang isang magaling na manunulat at nagmula sa isang desenteng pamilya ng mga doktor. Magtataka kayo kung bakit alam ko kaagad ang ilang detalye ng buhay niya, ganoon din kasi ako. Ito marahil ang hiwaga sa likod ng mga panaginip.

Sige na, aaminin ko hindi ako kasing tangkad ni Jon Avila o kasing kisig ni Marc Nelson, ngunit maaaring mas makulit naman ako kay John Lloyd. Pero anong pakialam ko, sa puntong iyon mahal ako ng binibining may mukha ni Marian Rivera at Iza Calsado sa parehong taas ni Maja Salvador. Maraming tagpo ang naganap at pawang lahat ay nagustuhan ko. At dahil isa ngang panaginip, may ilang eksena ang agad kong nakalimutan. Ngunit isang eksena sa isang pampublikong parke ang talagang tumatak sa memorya ko. Sa nasabing lugar kami nag-usap ng masinsinan bilang isang magkasintahan.

Hindi ko alam ang pakiramdam ko sa bawat eksena na pinagtagpi-tagpi ng utak ko, isa lang ang malinaw – pag-ibig ang naramdaman ko, totoo. Anak ng kwek-kwek, eto na marahil ang pinaka-baduy na sinulat ko, pero utang na loob na-inlove ako sa panaginip ko. Salamat sa isang kaibigan na bumati ng “good morning. :)”, nawala ang maigsing pelikula ng imahinasyon ko. Sinubukan kong matulog muli ngunit talagang expired na ang ticket papunta sa napakagandang obra.

Ang panaginip na marahil ang isang obra ng imahinasyon na nagsasabi sa atin na hindi ‘ito’ ang realidad ng buhay. Gigising at babangon tayo mula sa samu’t saring mukha ng pantasya. At tanging tayo lamang ang nakaka-alam kung hanggang saan ang determinasyon natin para tuparin ang mga ito at maging realidad ang minsan nating pantasya.

Bagama’t ganoon na nga ang sinapit ng pelikula este ng pagpapantasya, natuwa pa rin ako dahil ang maigsing kwentong iyon ay nagbigay sa akin ng pag-asa na balang araw, oo malamang balang araw, iibig na rin ako gamit ang puso ko. Kaya ngayon, tanong ko sa sarili ko; napanaginipan din kaya niya ang lalaking hindi kasing tangkad ni Jon Avila, hindi kasing kisig ni Marc Nelson pero mas makulit pa kay John Lloyd? Maaari o maaaring assuming na ako sa puntong ito.

Sa mga susunod na araw, sana’y makita ko ang diwatang iyon sa totoong panahon at sana rin sa susunod na mga araw matuto na akong ilayo ang telepono sa katawan ko habang natutulog.

Siya nga pala, nagawa kong halikan ang binibini sa panaginip ko. Isang magandang pabaon.