Biyernes, Hulyo 30, 2010

Si Ulan at si Ako

                                                                              Buhok ni Adan, hindi mabilang.

Noong bata ako, gaya ng libu-libong bata ngayon, naranasan ko ang kakaibang dampi ng ulan. Tuwang tuwa ako kapag pinapayagan ako ng mga magulang ko na maligo at makipagbasaan sa mga kalaro ko.

Totoong bata ako noon.

Galit sa akin madalas ang nanay ko dahil hindi ko madalas isinusuot ang makulay niyang biniling kapote. Madalas akong mabasa dahil talagang sinasadya ko at talagang pilyong bata ako noon. Palibhasa walang snow sa Pilipinas kaya ganoon na lang ang pananabik ko sa tuwing naglalabasan sila mula sa maiitim na ulap at matampuhing langit.

Hindi ko lubos maintindihan, may kakaiba talagang dating at taglay ang ulan. Hinahayaan niyang lumutang at maghari ang natural kong kakulitan sa lahat ng bagay – at ikinatutuwa ko naman ito.

Marami nagsasabi na ang panahon ng tag-ulan ang pinakamalungkot na panahon sa lahat. Sa bawat patak may kalakip na marka ng kalungkutan at pangungulila itong ibig ipakahulugan. Sa bawat halik ng malamig na hangin may hatid na bulong ng mga hindi natupad na pangako at naglalahong pag-asa. Ito marahil ang kapangyarihan ng ulan para sa kanila.

Wala akong mahanap na impormasyon, datus o anyo ng pag-aaral na nagsasabing maraming kaso ng pagpapakamatay sa panahon ng tag-ulan. Ang tanging alam ko, may mga kawawang namamatay dahil sa minsang kasungitan at kasupladuhan ng panahon o dahil sa minsan ding kapabayaan ng mga nakaupo.

Walang salitang makakapagbigay paliwanag sa kapangyarihan ng ulan. Ang ulan ay hindi musika sa aking pandinig at hindi rin diamante sa aking paningin. Ang ulan ay ulan. At ang patak nito ay mananatiling tubig at tanong sa aking isipan na higit kailanman hindi ko hahanapin ang kasagutan. 


                                           Sa imahe: temasekpoly.wordpress.com, mreassociates.org

Huwebes, Hulyo 29, 2010

Iginuhit ko na, may itatanong ka pa ba?

Kaya bang magbigay ligaya ng payasong lumuluha? Kaya bang lumipad ng ibon habang nananakit ang maganda nitong pakpak? Kaya bang umawit ng magaling na mang-aawit sa salin ng nakalulungkot na musika?

Hindi ko alam kung bakit iginuguhit ko ang larawan ng kwentong ito. Hindi ako malungkot at hindi rin ako ganoon kasaya. Panahon ang nagsabi at nagbulong na kailangang iguhit ko ito sa salin ng kakaiba kong pinanggagalingan.


PAYASO. Hindi naman talaga masaya ang Payaso. Ang obligasyon niyang magpasaya ay karugtong na ng kanyang buhay ngunit sa kabilang banda ang ganitong rason din ang nagpapabigat ng kanyang takbo sa buhay. Hindi niya kayang sagutin ang tanong na “Malungkot ka ba?”


IBON. Si Ibon na nagpupumilit na baguhin lahat kahit na sa kabilang banda ay hindi rin ito totoong masaya. Sa pinagmulan niya, siya'y muling nangungulila. Maraming ibon sa himpapawid ngunit itong si Ibon ay totoong nakikipagsabayan. 

Malakas na hangin at namamagang pakpak ang dalawa sa kanyang matinding pinagdadaanan sa kasalukuyan. Hindi niya kayang sagutin ang tanong na “Masaya ka ba?”

MUSIKA. Ang himig niya na tila magdadala sa’yo sa kakaibang lugar ang mabisa niyang pang-akit sa higit kaninuman. Tamang bigkas ng mga salita sa saliw ng napakagandang areglo, ito ang buhay ni Musika. Sa bawat linyang kanyang nabibigkas at naisasalin, palakpakan naman ang ganti ng mga lubos na nakikinig. Sa kabilang banda, hindi niya kayang sagutin ang tanong na “Magaling ka ba?”


Malungkot. Masaya. Magaling. 


Ikaw, may tanong ka din bang hindi mo kayang sagutin?

                                                                                    
                                                                                              Sa imahe: www.photographyblog.com
                                                                         

Kublian ni Pilosopong Komikero

Magsisimula na ang pagbuo ng konsepto ng aking kakaibang kwentuhan.

Titimplahin ng mga letra na nagmumula sa kakaibang kwento at salita na hahabihin ng prinsipyo at kakatawanan. 

Hindi ito nobela ng ordinaryong makata o obra-maestra ng nagpupumilit na artista. Ito ang magsisilbing haligi ng aking minsang kahibangan at pag-asa.


Ito ang produkto ng kakulitan ng pilosopong komikero na malabo ang mata.