Biyernes, Hulyo 30, 2010

Si Ulan at si Ako

                                                                              Buhok ni Adan, hindi mabilang.

Noong bata ako, gaya ng libu-libong bata ngayon, naranasan ko ang kakaibang dampi ng ulan. Tuwang tuwa ako kapag pinapayagan ako ng mga magulang ko na maligo at makipagbasaan sa mga kalaro ko.

Totoong bata ako noon.

Galit sa akin madalas ang nanay ko dahil hindi ko madalas isinusuot ang makulay niyang biniling kapote. Madalas akong mabasa dahil talagang sinasadya ko at talagang pilyong bata ako noon. Palibhasa walang snow sa Pilipinas kaya ganoon na lang ang pananabik ko sa tuwing naglalabasan sila mula sa maiitim na ulap at matampuhing langit.

Hindi ko lubos maintindihan, may kakaiba talagang dating at taglay ang ulan. Hinahayaan niyang lumutang at maghari ang natural kong kakulitan sa lahat ng bagay – at ikinatutuwa ko naman ito.

Marami nagsasabi na ang panahon ng tag-ulan ang pinakamalungkot na panahon sa lahat. Sa bawat patak may kalakip na marka ng kalungkutan at pangungulila itong ibig ipakahulugan. Sa bawat halik ng malamig na hangin may hatid na bulong ng mga hindi natupad na pangako at naglalahong pag-asa. Ito marahil ang kapangyarihan ng ulan para sa kanila.

Wala akong mahanap na impormasyon, datus o anyo ng pag-aaral na nagsasabing maraming kaso ng pagpapakamatay sa panahon ng tag-ulan. Ang tanging alam ko, may mga kawawang namamatay dahil sa minsang kasungitan at kasupladuhan ng panahon o dahil sa minsan ding kapabayaan ng mga nakaupo.

Walang salitang makakapagbigay paliwanag sa kapangyarihan ng ulan. Ang ulan ay hindi musika sa aking pandinig at hindi rin diamante sa aking paningin. Ang ulan ay ulan. At ang patak nito ay mananatiling tubig at tanong sa aking isipan na higit kailanman hindi ko hahanapin ang kasagutan. 


                                           Sa imahe: temasekpoly.wordpress.com, mreassociates.org

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento