Huwebes, Hulyo 29, 2010

Iginuhit ko na, may itatanong ka pa ba?

Kaya bang magbigay ligaya ng payasong lumuluha? Kaya bang lumipad ng ibon habang nananakit ang maganda nitong pakpak? Kaya bang umawit ng magaling na mang-aawit sa salin ng nakalulungkot na musika?

Hindi ko alam kung bakit iginuguhit ko ang larawan ng kwentong ito. Hindi ako malungkot at hindi rin ako ganoon kasaya. Panahon ang nagsabi at nagbulong na kailangang iguhit ko ito sa salin ng kakaiba kong pinanggagalingan.


PAYASO. Hindi naman talaga masaya ang Payaso. Ang obligasyon niyang magpasaya ay karugtong na ng kanyang buhay ngunit sa kabilang banda ang ganitong rason din ang nagpapabigat ng kanyang takbo sa buhay. Hindi niya kayang sagutin ang tanong na “Malungkot ka ba?”


IBON. Si Ibon na nagpupumilit na baguhin lahat kahit na sa kabilang banda ay hindi rin ito totoong masaya. Sa pinagmulan niya, siya'y muling nangungulila. Maraming ibon sa himpapawid ngunit itong si Ibon ay totoong nakikipagsabayan. 

Malakas na hangin at namamagang pakpak ang dalawa sa kanyang matinding pinagdadaanan sa kasalukuyan. Hindi niya kayang sagutin ang tanong na “Masaya ka ba?”

MUSIKA. Ang himig niya na tila magdadala sa’yo sa kakaibang lugar ang mabisa niyang pang-akit sa higit kaninuman. Tamang bigkas ng mga salita sa saliw ng napakagandang areglo, ito ang buhay ni Musika. Sa bawat linyang kanyang nabibigkas at naisasalin, palakpakan naman ang ganti ng mga lubos na nakikinig. Sa kabilang banda, hindi niya kayang sagutin ang tanong na “Magaling ka ba?”


Malungkot. Masaya. Magaling. 


Ikaw, may tanong ka din bang hindi mo kayang sagutin?

                                                                                    
                                                                                              Sa imahe: www.photographyblog.com
                                                                         

1 komento:

  1. si payaso. si ibon. si musika.
    may kanya kanyang kwentong ibinabahagi. may sariling dahilan sa mga pinipiling gawin. may tinatagong lakas para yakapin kung ano man ang mahirap sagutin.

    lahat daw ng bagay may kanya kanyang oras. kailangan lang matutunan kung papano ilalagay ang mga ito sa dapat kalagyan.

    sa tamang panahon, sa takdang oras.
    ang payaso ay magiging tunay na masaya.
    ang ibon ay lilipad na malaya at maligaya.
    at ang musika ay patuloy na gigising sa mga natutulog na puso.

    ako naman ang magbabato ng tanong.
    bakit pinipili ng pilosop na maging komikero?
    bakit pinipili ng komikero na maging pilosopo?
    masaya ba siya sa pagpili nito?

    TumugonBurahin