Martes, Agosto 31, 2010

Kaya Mo Magbilang?

ISA. Sa lugar na iba iba ang kulay, may dalang pagkain ang ilan, marmol ang lamesa, samu’t sari ang mukha at libre ang walang hanggang kwentuhan.

Isang oras na paghikayat sa sarili. Tatlong minutong pagtakbo ng pambansang sasakyan, limang minutong paglalakad, sampung segundong pagtawid sa lugar na pinupuntahan ng mga taong may kanya kanyang kailangan.

Utak na walang hanggan ang pasensya. Puso na hindi pa rin pagod dahil sa matibay na resistensya. Matang kung saan saan napupunta.  Daliri na patuloy sa pagtipa ng diwa’t letra.

Sa lugar na iba iba ang kulay, may dalang pagkain ang ilan, marmol ang lamesa, samu’t sari ang mukha at libre ang walang hanggang kwentuhan. Doon mo siya makikitang nag-iisa.

DALAWA. Wari’y salitang kinakanta ng lahat, salitang hinahanap hanap ng marami. Salitang nakamamatay at salitang nagbibigay-buhay. Salitang walang ibang kahulugan at salitang nag-iisa na para sa natatanging dalawa.

Walang humpay na sisihan sa mundong sana’y silang dalawa lang. Puso na inaasahang sa kanya lang ilalaan. Relasyong hahantong sa iyakan dahil sa kahinaan ng dalawa.

Utak daw ang dapat umiral. Puso na lubos ang kasiyahan at hinagpis dahil sa salitang sinasabing makapangyarihan. Matang tanaw ang kaluluwa’t kagandahan. Daliri na patuloy sa pagtipa ng diwa’t letra.

Wari’y salitang kinakanta ng lahat, salitang hinahanap hanap ng marami. Salitang nakamamatay at salitang nagbibigay-buhay. Salitang walang ibang kahulugan at salitang nag-iisa na para sa natatanging dalawa. Salitang marahil paborito na niyang gamitin.

TATLO. At narito na naman ang tagpo na lagi nang inaabangan. Hindi telenobela o komedya; totoong programa na sarili ang bida. Programa na lahat may kanya kanyang oras at tintayang manonood na huhusga.

Tinatanong kung napapagod na raw sa kakahanap ng mas magandang opurtunidad sa kalsada. Sagot niya’y ordinaryo at hinayaang humalo sa hanging dala ng lugar na may maraming opurtunista at sinasabing pag-asa. Kalokohan na lang ang sumuko at mawalan ng hininga dagdag pa niya.

Utak na karaniwang armas. Puso na patuloy sa paghagod at pagtibok dahil sa tatlong karanasan baon baon sa papel. Daliri na patuloy sa pagtipa ng diwa’t letra.

At narito na naman ang tagpo na lagi nang inaabangan. Hindi telenobela o komedya; totoong programa na sarili ang bida. Programa na lahat may kanya kanyang oras at tintayang manonood na huhusga. Isa, dalawa, tatlo at narito na naman siya.




Linggo, Agosto 29, 2010

Mundo ng Minsan at Madalas

Madalas kong subukan ang maraming bagay at liko sa buhay.
Madalas kong suriin ang problema sa bahay.
Madalas kong hawakan ang namamaga Niyang mga kamay.
Madalas ko na ring lakarin ang simbolo ng kawalan ng kulay.

Minsan kong pinigilan ang pagtangis nitong binatang puso.
Minsan kong inisip kung ganito ba talaga magmahal tayong mga tao?
Minsan kong tinapakan ang sarili kong anino para sa’yo.
Minsan mo na rin akong inilayo sa piling mo.

Madalas kitang makita sa saliw na napakagandang musika.
Madalas kitang marinig na tumatawa sa linyang ‘di naman talaga nakakatawa.
Madalas kitang napapanaginipang masaya.
Madalas na rin akong magsulat ng mga malulungkot na tula.

Minsan na nila akong pinatawa at pinagtulungan.
Minsan na nila akong sinamahan, dinamayan at pinakinggan.
Minsan na nila akong iniwan at muling binalikan.
Minsan ko na rin silang makita at makakwentuhan.

Madalas akong tumatawa at nag-iisip sa kabilang banda.
Madalas akong nanghihina sa hanging dala ng Maynila.
Madalas akong naglalakad patungo sa daan na nawawala.
Madalas ko na ring makita sarili kong natutulala.


Minsan at madalas na rin akong malungkot at nag-iisa. 

Sabado, Agosto 28, 2010

Pangalan niya’y Hachiko

Habang basa pa ang magkabilang pisngi na gawa ng mga luha mula sa payak na pelikula. Ipinangako kong bibigyan ng munting espasyo ang kwento ng isang asong tinawag nilang Hachiko. Titimplahin ko ang kwentong ito hindi bilang isang kritiko kundi bilang isang tao na natamaan ng isang magandang tagpo.


Ang kulay ng kwento hindi tungkol sa pag-iyak ko sa huling parte ng pelikula, hindi rin sa napaka-simple’t payak na pagkakayari ng obra maestra. Ang kwento ngayon ay tungkol sa kakaibang pagmamahal ng tao sa aso at pagtingin ng aso sa tao.

Hindi naman bago ang ganitong relasyon ng tao sa hayop. Lahat may kakayahan na mag-alaga at magturo ng mga bagay sa hayop; simple lang – isang bagong bagay at isang pagkain na magbibigay lakas loob sa hayop.

Ngunit iba ang asong nakilala ko sa pangalang Hachiko.

Ito si Hachiko. Asong aksidenteng nakatagpo ng isang magmamahal na tao. Naging pilyo’t lumaking tapat sa balikat ng kanyang amo. Magiliw, masiyahin at mapaglaro - mga katangiang ordinaryo na sa maraming aso.

Sa bawat nilalang may nakatakdang katapusan. Ang buhay na inilagi ng tao ay makapagdudulot ng kakaibang epekto at pagbabago sa kapwa nito at may posibilidad din na maging sa mga hayop na gaya nitong si Hachiko. Malaking usapan kung susuriin mo ang totoong naging epekto ng pagkawala’t paglisan ng isang kaibigan sa asong si Hachiko.

Sabi nila katapatan daw ang magbibigay paliwanag dito. Habang ang ilan, pagmamahal o pag-ibig ang interpretasyon sa araw-araw na pagbalik ng aso sa istasyon na itinuring niyang importanteng lugar ng pagtatagpo. Kung iisipin at babalikan mo ang bawat larawan ng tagpo may punto ang lahat ng anggulo ng diskusyon. Katapatan dahil buong buhay niyang sinamahan ang kanyang kaibigan o kaya naman pag-ibig dahil hindi nito nagawang humanap ng kapwa aso na mamahalin at bibiyayaan ng supling.

Anupaman iyon isang bagay lang ang malinaw sa akin. Ang tinatawag nilang Hachiko ay hindi isang pangkaraniwang aso. Siya’y nilalang na nagbigay simbolo at pakahulugan sa katagang tunay na kaibigan – hindi nakalimot, hindi nanghusga, hindi maramot, hindi nang-abuso at higit sa lahat hindi nang-iwan. Mga katangiang madalas wala sa tao.


Kung nasaan man si Hachiko ngayon, batid ko ang kanyang maligayang pagbabalik sa piling ng kanyang itinuturing na kaibigan.





Walang hiya kang aso ka, napaiyak mo ako dito. Hanggang sa muli mong pagtahol.
                                                                                                                                  

Huwebes, Agosto 12, 2010

Walang Mukha

Pakinggan ang saloobin ng iilang boses.

Assya: Hindi naman sa lahat ng oras nariyan ka para sa kanila, pero kung sila’y napaglalaanan mo ng panahon, kwento’t boses pa rin nila ang laman ng hangin sa inyong paligid. Kwento niya tungkol dito at opinyon niya ukol doon. Sa bawat kanto ng lugar boses niya ang laging bida.

Bakit lubos na mahirap sa kanila ang pakinggan ang kwento mo?


Lusyo: Ang hirap kung palaging panghuhusga ang tanging sagot nila sa bawat desisyon na ginagawa mo. Mahirap para sa kanila ang tanggapin ang bawat landas na napili mo. Hindi naman ako nilikha para maging katulad nila, sadyang magkaiba kami – sila ang marurunong, ako ang laging bigo at talo.

Kaya mas madali sa akin ang makipag-usap sa hindi ko masyado kilala, dahil alam kong makikinig sila ng walang halong pagdududa at panghuhusga.


 Anito: Bahala na. Naniniwala ka namang may dahilan ang lahat. Talagang malabo pa sa ngayon kung ano talaga ang gusto mo. Ang tanging alam mo, maraming natutuwa sa ginagawa mo kaya patuloy mo pa ring itinataguyod ang mga ito.

Subok lang. Malay mo makita mo na rin ang totoong magpapasaya sa iyo kahit ang ibig sabihin noon ay habang buhay na pakikipaglaro kay Tadhana.


Wanda: Hindi mo gusto ang ginagawa mo ngayon. Marami kang sinubukang gawin na lubos na magpapaligaya sa iyo, kaso ang problema sa tuwing malapit ka na sa puntong gusto mo na ang ginagawa mo lagi ka namang sumasabit at pinagtatawanan.

Kaya kung may natatanging bagay at pagkakataon, lagi mo itong pinagsisikapan at pilit na pinatutunayan para lamang malaman mo sa huli na papalpak ka din at iiyak.


Hindi isa, kundi apat na mukha.


                                                                                                     Sa imahe: dallasphotoworks.com

Martes, Agosto 3, 2010

Sa Paaralan ni Pilipinas

Sa lahat ng pwedeng matutunan at maintindihan ng tao, disiplina na ata ang pinaka-mahirap sa lahat.

Sa araw-araw na nilikha ng EDSA ang usok sa kamaynilaan, halos kakulangan sa disiplina lahat ang laman ng mata, tenga at isip ng mga nilalang na gaya ko;

  • Mag-inang tumatawid sa kalsada ng Ayala, sa ilalim ng bagong pinturang footbridge.
  • Matandang lalake na nagsisigarilyo sa loob ng jeep na may nakapaskil na “NO SMOKING, a friendly reminder ”.
  • Estudyanteng umaangal sa presyo ng gasolina at matrikula habang pilit na isinisingit ang sarili sa pila ng jeep patungong Tandang Sora.
  • Taxi driver sa Sta. Mesa na mahilig mang-agaw ng pasahero mula sa kapwa nito taxi driver.
  • Kaibigang halos isinisigaw sa Facebook status niya ang maarteng linyang “Cereals are my new best friend! I wanna be fit before the year ends!” kahit ang totoo sobra kung makapag-order ng extra rice sa isang kilalang restaurant sa Greenhills.
  • Kongresistang hindi marunong sumunod ng simpleng dress code.
  • Mayamang binata na may-ari ng isang SUV na nakaparada sa tapat ng "NO PARKING area" sa Araneta.
  • At madami pang iba.


Sa balat ng lupa, hindi maaaring hindi mo mapansin ang senyales ng kawalang disiplina mula sa samu’t saring nilalang. Bata, matanda, lalake, babae, nagpupumilit na maging babae, bungi, adik, pulis, artista o kahit ang nagsusulat nito ay minsang sumisemplang sa Disiplina101 ng buhay.

Kaya siguro hindi iminumungkahi ng DepEd na magkaroon ng asignaturang tumatalakay sa praktikal na pag-aaral ng disiplina, dahil malamang iniisip nito na hindi papasa ang mga future chief justice, ambassadors, beauty queen, president, superstar, deodorant model, raliyista o maging ang future secretary ng nabanggit na departamento. Kaloko talaga!

Pero ganun na nga...

Ang buhay ay ginawa, hindi lang para mabuhay ang tao. Ginawa ito para pag-aralan ang samu’t saring anggulo ng buhay at ang dala nitong aral. Habang nadaragdagan ang mga taon na inilagi sa mundo kasabay din dapat nito ang lubos na pag-unawa sa mga bagay na mas nakabubuti, hindi lang para sa sarili kundi, para rin sa kapakanan ng nakararami. Wala namang nagbabawal sa tao na gawin ang bagay magpapasaya sa kanya, huwag lang manakit ng iba at hamakin ang batas ng kinabibilangang lupa.

Wala naman daw gamot sa kakulangan ng disiplina, pero maaari din naman itong iwasan at pag-aralan. Praktisin natin sabay-sabay, araw-araw. 

                                                                                         
                                                                  Sa imahe: skyscrapercity.com, new-slang.com