Sabado, Agosto 28, 2010

Pangalan niya’y Hachiko

Habang basa pa ang magkabilang pisngi na gawa ng mga luha mula sa payak na pelikula. Ipinangako kong bibigyan ng munting espasyo ang kwento ng isang asong tinawag nilang Hachiko. Titimplahin ko ang kwentong ito hindi bilang isang kritiko kundi bilang isang tao na natamaan ng isang magandang tagpo.


Ang kulay ng kwento hindi tungkol sa pag-iyak ko sa huling parte ng pelikula, hindi rin sa napaka-simple’t payak na pagkakayari ng obra maestra. Ang kwento ngayon ay tungkol sa kakaibang pagmamahal ng tao sa aso at pagtingin ng aso sa tao.

Hindi naman bago ang ganitong relasyon ng tao sa hayop. Lahat may kakayahan na mag-alaga at magturo ng mga bagay sa hayop; simple lang – isang bagong bagay at isang pagkain na magbibigay lakas loob sa hayop.

Ngunit iba ang asong nakilala ko sa pangalang Hachiko.

Ito si Hachiko. Asong aksidenteng nakatagpo ng isang magmamahal na tao. Naging pilyo’t lumaking tapat sa balikat ng kanyang amo. Magiliw, masiyahin at mapaglaro - mga katangiang ordinaryo na sa maraming aso.

Sa bawat nilalang may nakatakdang katapusan. Ang buhay na inilagi ng tao ay makapagdudulot ng kakaibang epekto at pagbabago sa kapwa nito at may posibilidad din na maging sa mga hayop na gaya nitong si Hachiko. Malaking usapan kung susuriin mo ang totoong naging epekto ng pagkawala’t paglisan ng isang kaibigan sa asong si Hachiko.

Sabi nila katapatan daw ang magbibigay paliwanag dito. Habang ang ilan, pagmamahal o pag-ibig ang interpretasyon sa araw-araw na pagbalik ng aso sa istasyon na itinuring niyang importanteng lugar ng pagtatagpo. Kung iisipin at babalikan mo ang bawat larawan ng tagpo may punto ang lahat ng anggulo ng diskusyon. Katapatan dahil buong buhay niyang sinamahan ang kanyang kaibigan o kaya naman pag-ibig dahil hindi nito nagawang humanap ng kapwa aso na mamahalin at bibiyayaan ng supling.

Anupaman iyon isang bagay lang ang malinaw sa akin. Ang tinatawag nilang Hachiko ay hindi isang pangkaraniwang aso. Siya’y nilalang na nagbigay simbolo at pakahulugan sa katagang tunay na kaibigan – hindi nakalimot, hindi nanghusga, hindi maramot, hindi nang-abuso at higit sa lahat hindi nang-iwan. Mga katangiang madalas wala sa tao.


Kung nasaan man si Hachiko ngayon, batid ko ang kanyang maligayang pagbabalik sa piling ng kanyang itinuturing na kaibigan.





Walang hiya kang aso ka, napaiyak mo ako dito. Hanggang sa muli mong pagtahol.
                                                                                                                                  

3 komento:

  1. yey.. masaya ako na naibahagi ko sayo ang kopya ng pelikulang ito.. muntik na ngang hindi..

    natawa naman ako kung paano no binanggit ang mga katangian ni hachiko.. wala bang ganun talaga pag dating sa tao.. kaw talaga..

    pero tama talaga noh.. ang sarap magkaroon ng aso na kagaya niya.. lalo na siguro kung tao sya..

    nung pinanood ko ang pelikula, i wanted so much to own a dog again..

    salamat kay hachiko for sharing his story with us.. hayy..

    TumugonBurahin
  2. May mga taong minsan mas nanaisin mo pang maging aso, 'yan ang totoo. Ang kwento ni Hachiko ay patunay lang na may mukha ang tunay na kaibigan at may puso ang tunay na nagmamahal, maging sino't ano ka mang nilalang ng Diyos.

    TumugonBurahin