Lunes, Pebrero 21, 2011

Lapis at Sining


Habang hinahanapan ko ng silbi ang sarili ko sa loob ng opisina, naisipan kong kumuha ng lapis at gamit na papel at muling pinagana ang malilikot na imahinasyon at kamay.

Narito ang tatlo sa kanila.

(Click on the image to see original size)
Mula sa taas. 1. Poochoo; 2. Fleur; 3. Dancing Fantoccini  
 May mga susunod pang obra. Hintay lang. 

Hindi ako yung tipo ng empleyado na mamamatay sa ngalan ng "paghahanap-buhay". May buhay sa likod ng opisina, naniniwala ako.  Hangga't may oras pa may mga sining pa akong nais ibahagi sa inyo.  

Akin ang oras na ito. 

Huwebes, Pebrero 17, 2011

Biyaheng Recto


Ang tagpo.

Maitim na ang kalangitan at mausok pa sa buong kapaligiran.
Maraming nagmamadaling paa ang pakalat-kalat sa kung saan saan.
Isang nilalang sa isang napakahaba’t modernong sasakyan.
Isang kaluluwa na namang naliligaw, pansamantala’t lilisan.

Isang espesyal na araw sa kabilang banda.
Isang napakalungkot na alaala sa nawawalang binata.
Utang na loob kapalaran, bakit mo ginugulo si katahimikan.
Patuloy lang ang pagkalabit ni nakalipas sa masayang si kasalukuyan.

Ang kapangyarihan.

Sinasabi ko sa’yo, tumayo ka at mag-isip.
Pag-isipan ang alin?
Hayaang palutangin ka ng iyong iniisip.
Palutangin? Papaano?

Ang kaibigan.

May nakilala akong kaibigan.
Kagandahan at talino niya ako’y biglang pinasikatan.
Marami na daw siyang napagdaanan at napatunayan.
Sayang lang dahil sa imahinasyon ko siya nanunuluyan.

Buhay nga naman.
Pabagu-bago. Pabugsu-bugso. 

Larawan mula sa Manila Manila

Sabado, Pebrero 12, 2011

Ang Tamis!


Kung sa tingin ninyo sa telebisyon, mga libro at sa mga pelikula lang makikita ang mga kinakikiligan ninyong karakter o love-team, aba’y kulang pa ang inyong nasasaksihan. Naririto ang dalawang tambalan na marahil inyo na ring madalas napapansin.

(Click on the image to see original size)
TheRemarkable love team.

TheYummiest love team.

Kay sarap nga namang umibig, kahit ang mga walang buhay nabibigyan ng kulay dahil sa pag-ibig. Tamis!



Biyernes, Pebrero 11, 2011

Binibini

Binibining-alam-mo-na-kung-sino-ka,


Mapayapang araw!

Kung tatanungin mo ako kung kamusta ako, wala pa siguro akong matinong isasagot diyan. Hindi sapat ang ‘okay lang’ o ‘sakto lang’ na sagot. Marami pa kasi akong kailangang patunayan sa buhay, kailangang maunawaan at matutunan. Pero noong dumating kang muli sa buhay ko nabigyan ulit ako ng ilang dosenang lakas ng loob na lumaban, umasa at tumayo para titigan ng harap-harapan ang mukha ng aking pangarap.

Sa kanta ko madalas nakikita ang sarili ko. Bawat kanta sumisimbolo sa iba’t ibang eksena; isang batang lalaking naglalaro sa ilalim ng ulan, binatang tumatakbo’t hinahabol ang papalayong sasakyan at isang nilalang na muling umiibig at umaasang hindi na masasaktan.  Muli na namang lumawak ang espasyo sa aking isipan at imahinasyon habang pinakikinggan ang iba’t ibang saliw ng musika. Balang araw masasayaw din kita sa ilalim ng napakagandang himig, balang araw.

Madalas ko naiisip kong ako nga ba ang kaluluwang hinubog para sa’yo, pero ayaw ko magsalita ng tapos, kaya hangga’t maaari aangkinin ko ang segundo, minuto, oras at mga araw para sabihin sa langit na sana ito na at ito na rin ang huli.

Minsan at madalas ko ng nakikita ang sarili kong nakatingala at nagpapasalamat.

Wala na akong hihilingin pang iba sa Kanya bukod sa pagnanais kong pareho tayong bigyan ng rason araw-araw na mahalin ang isa’t-isa. Hindi ko na kailangang sabihin na mahal kita, oooh pakshet! nasabi ko na. 

Oh ayan maligayang araw ng mga puso.


Dito lang para sa’yo,
Ako.

Linggo, Pebrero 6, 2011

Puso at Musika

Sa pagkakataon na kinakanta nila ang bawat himig ng kanilang musika, hindi talaga maalis sa isip kong magtaka kung ano ang umiikot sa kanilang ulo habang hawak ang kanilang mga mikropono sa harap ng libu-libong pumapalakpak na tao.

Maaaring hinuhugot ni Bruno Mars ang inspirasyon mula sa kanyang pinaghalu-halong karanasan, habang tinitipa ang tiklado ng kanyang itim na piyano. Naniniwala kasi akong may malalim na kahulugan ang kanyang kantang Talking To The Moon at Grenade na taliwas sa sapilitang pag-angkin ni Mya na para daw sa kanya ang naunang kanta.

Kung saan nanggagaling ang pilyo’t makabuluhang liriko ng APO? Siguro sa minsan din nilang pagkadismaya sa realidad ng bansa, o sa kanilang pamilya, o hindi kaya sa bawat pagsubok na pinagdaanan ng kanilang grupo. Blue Jeans, Awit ng Kabataan, Nakapagtataka, at marami pang iba ay mga testamento lang marahil na minsan din silang nasaktan, lumigaya, at mas lumigaya.

Pero bakit nga ba naluha si Juris ng ASAP Sessionistas habang kinanta ang Forevermore sa kanilang nakaraang konsyerto? May problem ba siya sa pag-ibig? Yikes! Wala naman akong balak alamin ang buhay-pag-ibig niya, humanga lang ako sa tatag ng damdamin niya na tapusin ang kanta sa kabila ng mala-gripong pagbuhos ng luha niya. Sabi nga niya “Yehey, natawid ko!” habang ngumi-ngiting parang bata. Kaya kapalit ng damang-damang pagkanta, pinagaan ng mga manonood ang kanyang loob sa pamamagitan ng malakas na palakpakan.

Nakakatuwang malaman na marami pa rin sa mga mang-aawit natin ngayon ang marunong kumanta gamit ang puso. Mabuhay kayo!

Sa bawat tema ng mga musika’t himig parang nililipad ako sa iba’t ibang isla habang may nakikilala akong mga karakter na sumisimbolo sa damdamin ng mang-aawit. Sa bawat pagkanta, o kahit sa simpleng pakikinig ng kanilang mga musika nagagawang dalhin ang isipan ko sa iba’t-ibang lugar ng imahinasyon. Normal pa ba ito? Haha! Normal man o hindi, para sa akin nangangahulugan lamang ito na kaya ko pang makinig at kumilala ng damdaming nakakabit sa letra at tono.

Bawat kanta ay masarap sa tenga, magaan sa pakiramdam. May puso ang musika at may musika ang puso.