Linggo, Pebrero 6, 2011

Puso at Musika

Sa pagkakataon na kinakanta nila ang bawat himig ng kanilang musika, hindi talaga maalis sa isip kong magtaka kung ano ang umiikot sa kanilang ulo habang hawak ang kanilang mga mikropono sa harap ng libu-libong pumapalakpak na tao.

Maaaring hinuhugot ni Bruno Mars ang inspirasyon mula sa kanyang pinaghalu-halong karanasan, habang tinitipa ang tiklado ng kanyang itim na piyano. Naniniwala kasi akong may malalim na kahulugan ang kanyang kantang Talking To The Moon at Grenade na taliwas sa sapilitang pag-angkin ni Mya na para daw sa kanya ang naunang kanta.

Kung saan nanggagaling ang pilyo’t makabuluhang liriko ng APO? Siguro sa minsan din nilang pagkadismaya sa realidad ng bansa, o sa kanilang pamilya, o hindi kaya sa bawat pagsubok na pinagdaanan ng kanilang grupo. Blue Jeans, Awit ng Kabataan, Nakapagtataka, at marami pang iba ay mga testamento lang marahil na minsan din silang nasaktan, lumigaya, at mas lumigaya.

Pero bakit nga ba naluha si Juris ng ASAP Sessionistas habang kinanta ang Forevermore sa kanilang nakaraang konsyerto? May problem ba siya sa pag-ibig? Yikes! Wala naman akong balak alamin ang buhay-pag-ibig niya, humanga lang ako sa tatag ng damdamin niya na tapusin ang kanta sa kabila ng mala-gripong pagbuhos ng luha niya. Sabi nga niya “Yehey, natawid ko!” habang ngumi-ngiting parang bata. Kaya kapalit ng damang-damang pagkanta, pinagaan ng mga manonood ang kanyang loob sa pamamagitan ng malakas na palakpakan.

Nakakatuwang malaman na marami pa rin sa mga mang-aawit natin ngayon ang marunong kumanta gamit ang puso. Mabuhay kayo!

Sa bawat tema ng mga musika’t himig parang nililipad ako sa iba’t ibang isla habang may nakikilala akong mga karakter na sumisimbolo sa damdamin ng mang-aawit. Sa bawat pagkanta, o kahit sa simpleng pakikinig ng kanilang mga musika nagagawang dalhin ang isipan ko sa iba’t-ibang lugar ng imahinasyon. Normal pa ba ito? Haha! Normal man o hindi, para sa akin nangangahulugan lamang ito na kaya ko pang makinig at kumilala ng damdaming nakakabit sa letra at tono.

Bawat kanta ay masarap sa tenga, magaan sa pakiramdam. May puso ang musika at may musika ang puso. 

2 komento:

  1. naniniwala akong puso pa rin ang ginagamit ng lahat ng mang aawit twing sila ay kakanta.. dahil kung hindi, malamang ay walang kahit sino sa taga pakinig nito ang yayakap sa musika nila..

    toinks ka.. hindi ko inaangkin ang kanta ni bruno mars.. sinasabi ko lang na may mga tao dito sa mundo na kagaya ko ay naniniwalang may lalakeng nakatira sa buwan..

    kidding aside, tama ka, bawat musika ay masarap sa tenga at magaan sa pakiramdam.. marahil ay dahil sa isang puso, masaya man ito may dinaramdam, musika ang bumubuhay dito.. maaaaring ang musika na dala ng piano o ng violin, ang musika na dala ng hangin at mga bituin, o kahit ang musika ng bawat katagang "mahal kita" galing sa isang minamahal..

    ay ewan ko sainyo ni simplixiety, ang aga aga, pag ibig ang nabasa ko..

    kung sabagay, monday pala ngayon..may lakad ako..!

    toinks.. :)

    TumugonBurahin
  2. naalala ko lang.. kung ikaw nagtataka kung ano ang umiikot sa isip ng mga mang aawit kapag sila ang kumakanta, ako din, iniisip ko kung ano ang iniisip ng mga tumatakbo kapag tumatakbo sila.. at kung ano din ang iniisip ng mga bulag na nanlilimos sa kalsada..

    hai, ang aga aga, napaisip na naman ako..

    TumugonBurahin