Marami ang naghahangad ng perpektong pag-ibig na tatagal ng panghabang-buhay. Ngunit, gaano ka kahandang talikuran ang nakasanayang pag-ibig para sa katuparan ng pangarap ng iyong minamahal?
Mahigit ilang minuto na lang ang hinihintay bago ang malaking araw para kay Greg. Ikakasal na ito sa kanyang tunay na minamahal. Sa maliit na kwarto kausap ng binata ang kanyang matalik na kaibigang si Philip, na kanya ring bestman. Ikinukwento nito ang ilang importanteng bagay na natutunan niya sa larangan ng pag-ibig.
Si Greg isang binatang nahanap ang sarili mula sa makabuluhang nakaraan at natatanging relasyon. Malayo siya sa piling ng kanyang ina na nagtatrabaho sa ibang bansa, hiwalay na ito sa kanyang ama na may iba na ring pamilya. Tanging ang nakakatandang kapatid na lang nitong si Julio, isang guro sa isang kilalang kolehiyo, ang kasama nito sa bansa. Si Julio madalas ang nagiging hingahan ni Greg kapag ito’y may seryosong problema. Sa parehong kolehiyo rin nag-aaral si Greg na halos limang taon na rin ang tinagal. Sikat ang binata sa unibersidad, hindi lang dahil sa matipunong dating nito sa mga kolehiyala kundi pati na rin sa husay nito sa pagtakbo. Madalas kasi itong isali ng paaralan sa iba’t-ibang paligsahan.
Si Karina, isang probinsyanang mag-isang tumulak ng Maynila upang hanapin ang oportunidad at pag-asa na para sa kanya. Masipag at determinado ang dalaga na maabot ang kanyang mga pangarap sa buhay. Hindi niya bibiguin ang pamilya na sa kanya’y laging nakasuporta. Pumasok siya bilang isang assistant event coordinator sa isang events management agency. Hilig nito ang pagkuha ng larawan ng mga iba’t-ibang bagay at mukha. Para sa simpleng dalaga, ang buhay ay isang pinagdugtung-dugtong na mga larawan na may iba’t-ibang emosyong dala na patungo sa iisang landas - ang tunay na kaligayahan.
Abala ang kompanyang pinapasukan ni Karina, nalalapit na kasi ang isang International Marathon na kanilang ekslusibong i-oorganisa sa susunod na linggo. Bukod sa pag-aasikaso ng mga reservations, naatasan din si Karina na kumuha ng mga larawan na posibleng ipakita sa ilang kilalang websites. Katulong niya dito ang kanyang kaibigan at katrabahong si Nancy.
Sa isang insidente sa mismong marathon, habang kinukunan ni Karina ang napakagandang anggulo, aksidenteng nasagi ng isang tumatakbo ang lente ng kanyang kamera. Saglit na naasar ang dalaga sa tila kapreskuhan ng binatang sumira ng kanya sanang perpektong larawan. Patuloy pa rin ang pagkuha ni Karina ng iba’t-ibang larawan habang nakapwesto sa isang gilid. Natuwa ito ng nakunan niya ang matandang mag-asawa na sabay na tumatakbo habang magkahawak-kamay. Perpekto na sana ang larawan para sa kanya, ngunit ang preskong binata na siya ring nakasagi ng kanyang kamera ay nakapwesto sa likod nito. Matagumpay ang nasabing marathon. Habang inililigpit na ng grupo nila Karina at Nancy ang kani-kanilang mga gamit, lumapit si Greg upang humingi ng paumanhin kay Karina. Sa una’y medyo hindi pa kumikibo ang nakaismid na dalaga ngunit dahil sa natural na karisma ng binata maya-maya na lang ay nakita nila ang kanilang sarili na nagtatawanan sa isa’t-isa. Panandaliang nag-usap ang dalawa at nagkakilanlan.
Kilalang lapitin ng mga kababaihan itong si Greg. Hindi na rin mabilang ang naging relasyon nito sa iba’t-ibang dalaga na pawang lahat ay puro laro lamang. Sa kabila ng ganitong mga birong relasyon, malinaw pa rin sa binata ang hangarin nitong magkaroon ng normal at buong pamilya balang araw. Sa kabilang banda ang dalagang si Karina ay nakaranas na rin ng pait na dulot ng pakikipagrelasyon, ganunpaman patuloy pa rin itong umaasa na makikita niya balang araw ang isang nilalang na kukumpleto sa kanyang buhay.
Mahilig si Karina pumunta sa isang pampublikong parke pagkatapos ng oras nito sa opisina. Dala dala ang kanyang kamera, sinusubukan niyang bumuo ng iba’t-ibang tema ng larawan base sa mga nakikitang emosyon at pigura. Nagkataon naman na napadaan si Greg sa parke matapos tumakbo sa isang malapit na track and field. Nagkasalubong ang kanilang mga mata na tila nananabik sa presensya ng bawat isa. Pawang kaligayahan at iba’t-ibang kwento ng karansan ang naging timpla ng hangin sa paligid nila. Naging seryoso ang tema ng ipaalam ni Greg sa dalaga ang tungkol sa kanyang pamilya. Sadyang malalim ang pinanggagalingan ng binata na agad namang naunawaan ng dalagang si Karina. Para panandaliang maibsan ang dinadala ni Greg, sinubukan ni Karina na turuan itong kumuha ng magandang larawan.
Hanggang sa dumating ang araw na nahulog na nga ang kani-kanilang damdamin sa isa’t isa. Sa mga panahon ding ‘yun bumalik ang kumpiyansa ni Karina sa mga lalaki tungo sa pakikipagrelasyon. At si Greg, tuluyan na ngang nakilala ang totoong konsepto ng pag-ibig. Sa mga tagpong nagkakasama ang magkasintahan, may isang bagay na napapansin si Karina sa kanyang nobyong si Greg, hindi nito kayang ihayag sa salita ang kanyang pasasalamat sa halip inihahayag ng binata ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang kilos at pagmamahal. Hindi naman ito naging hadlang sa kanilang pag-iibigan.
Mula din noong mga araw na iyon, patuloy ang mga aral na nakukuha nila sa bawat isa. Isang malusog at masayang relasyon. Batid nila ang kahinaan at kakayahan ng bawat isa. Ang mga taong nasa paligid nila ay tila walang duda na sila na nga ang itinakda ng tadhana para magmahalan. Bumalik ang kumpiyansa ni Greg sa pag-aaral at lubusan na nitong natuklasan ang gusto niya, ang maging isang magaling na direktor balang araw.
Isang magandang balita ang dumating kay Greg, naipasa nito ang scholarship grant sa isang film school sa Amerika, sa parehong bansa rin kung saan nagtatrabaho ang kanyang ina. Katuparan ng pangarap ang biyayang ito para sa binata. Habang sa kabilang banda, kalungkutan ang tila naghahari sa kanyang puso dahil nangangahulugan din itong panandalian siyang mawawalay kay Karina.
Agad niyang kinausap si Karina tungkol dito at tanggap naman ng dalaga ang ganitong posibilidad. Ngunit dahil masakit ito para sa kanilang dalawa, binanggit ni Greg na handa niyang isuko ang pangarap para kay Karina. Hindi ito nagustuhan ni Karina, dahil alam niya kung gaano kahirap kumpletuhin ang pangarap. Nagsimulang magkasakitan ng loob ang dalawa. Pinilit ni Karina na makuha ni Greg ang kanyang pangarap kaya gumawa siya ng paraan para malayo ang loob ng binata sa kanya. Sa inaasahang tagpo, nasaktan ang loob ni Greg kaya tuluyan na itong lumipad ng ibang bansa. Inihahatid na ni Julio si Greg sa paliparan, at sa hindi kalayuan nakasilip si Karina, lumuluha habang hawak-hawak ang larawan na para sana sa binata.
Tanging ang tadhana ang magdedeklara sa huli kung ang kanilang pag-iibigan ay hahantong sa magandang yugto. Limang taon para bigyang katuparan ang kani-kanilang pangarap, limang taon para subukan ang ibang landas at limang taon para bigyang tatag ang pag-ibig na pinaglayo ng kapalaran. Hindi ito naging madali ngunit kailangang pagdaanan.
Araw ng pagbabalik ng binata sa Pilipinas. Nagtagumpay si Greg sa kanyang pangarap, sa mga susunod na buwan sisimulan na niya ang kanyang unang pelikula.
Si Karina, masayang pinapatakbo ang kanyang papausbong na events planning agency na bunga ng kanyang pinagsamang talento at determinasyon. Kasama niya rito ang kanyang matalik na kaibigang si Nancy.
Pinuntahan ni Greg ang parke na naging saksi sa kanyang magagandang karanasan. Malaki na ang pinagbago ng nasabing lugar ngunit lubos na tumatak ang mga aral at masasayang bagay sa kanyang puso. Natapos ang kanyang pagbabalik-tanaw nang tawagin siya ni Thea upang puntahan ang kanilang pakay sa Maynila. Si Thea, ang dalagang nakilala at nakasama niya sa Amerika.
Habang inihahanda ang ilang mga importanteng bagay at dokumento, nakita na ni Karina ang kanyang kliyente sa umagang iyon kasama ang pamilyar na lalaki habang papasok ng kanyang opisina. Hindi maikakaila ang katuwaan sa puso ng dalaga nang makita niya si Greg. Tunay ngang nakatayo na ito mula sa malungkot na nakaraan.
Habang kinukunan ng larawan ni Nancy ang kababatang si Thea, malugod na nag-uusap sina Karina at Greg. Lubos ang kanilang kagalakan nang matuklasan at marinig ang ilang pagbabago sa kanilang buhay. Hindi tuloy naiwasang maluha ng dalawa dahil sa kasabikang makita ang bagong anyo ng bawat isa. Nang matapos na makunan ng larawan si Thea, agad ng iniabot ni Karina ang ilang mahahalagang dokumento at kontrata kay Greg. Kasama ng dokumentong iyon ang larawan na nabigo niyang i-abot noong papaalis ito tungong Amerika.
Halos patapos na ang pagkukwento ni Greg kay Philip, nang tawagin na siya ni Karina.
“Greg, hinihintay ka na ni Thea.” Wika ng dalaga sa ikakasal na binata.
----
Written last October 11, 2010