Martes, Nobyembre 23, 2010

Pilosopong Pasko

Si Santa Claus. Hindi siya isang imahe o simbolo ng pasko, isa siyang nilalang na nagbibigay pag-asa para sa mga taong naghahangad ng mumunting ligaya. Siguro nagkataon lang na pula ang kanyang damit at hilig niyang magbigay ligaya sa mga bata. Kung hindi naman, nagkataon lang din siguro na ipinanganak siya sa buwan ng pasko.

Ang tagapaghatid ng regalo at ang tagahabi ng kwento.
Si Pilo. Hindi siya isang likhang isip na naglalaro sa isang maliit at libreng espasyo ng internet, isa siyang konsepto na naglalaro sa iba’t ibang hubog ng emosyon at pakiramdam na nakalilikha ng samu’t saring kwento at kadramahan. Siguro nagkataon lang din na komportable siyang magtipa ng kwento sa halip na matulog ng napakahabang panahon.

Isang tagpo. Sa isang mahabang kahoy na nagsisilbing upuan sa harap ng maliit na tindahan nakaupo si Santa Claus habang nakatingin sa malayong lugar. Napadaan si Pilo upang bumili ng isang boteng softdrink.

Santa Claus: Oh, Pilo. Kamusta ka? Balita ko may drama sa loob ng bahay mo ah, okay ka lang?
Pilo: Isa nga pong coke 8oz. (Sabi nito sa tindera na nagsasabit ng parol sa kanilang sala) Ano yun? 
Santa Claus: Tinatanong ko kung okay ka lang, kasi balita ko may kadramahan ka sa bahay mo.
Pilo: Akala ko ba matalino ka? Alam mo naman palang may drama bakit naman sa tingin mo okay ako? Salamat. (sagot nito habang inabot ang malamig na softdrink)

Santa Claus: Ha-ha! Loko ka, pero alam mo hindi naman tayo nagkakalayo ng pinagdadaanan eh.
Pilo: Oh eh bakit, anong meron? Sikat ka na naman nga ngayon eh.
Santa Claus: Eh yun na nga eh, maraming bata ang may gusto ng iPad ngayong pasko, eh wala na akong pera, matagal ng hindi narereimburse ng bossing ko yung mga abono ko eh.
Pilo: Loko ka pala eh, eh bakit hindi mo subukang magresign dyan?

Santa Claus: Akala ko ba matalino ka? Alam mo namang ako si Santa Claus eh, tapos sasabihan mo akong magresign? Haay naku.
Pilo: Wala namang mawawala kung magresign ka eh.

Santa Claus: Wala rin namang mangyayari kung magdadrama ka dyan eh.

Heto sina Santa Claus at Pilo sa gitna ng pagkakataon at sitwasyon. 
Ngayon ang tanong -- wala nga bang mawawala? Wala nga bang mangyayari?

1 komento:

  1. subukan mo kayang magpaiko ng barya at alamin ang sagot..

    wala nga bang mangyayari? wala nga bang mawawala? hindi ko rin alam ang sagot..

    ang malinaw lang sa akin, alam kong sa pagtatapos ng taon na ito, baliktad pa rin ang christmas tree na nakikita ko..

    naawa tuloy ako kay santa klaus.. tama nga, baka pagod na din sya kakaikot.. at baka wala na rin syang pera.. ang dami pa naman hiling ng mga bata.. pero kahit ganun ang lagay, alam kong mas pipiliin niyang magbigay.. hindi dahil siya si santa.. kundi dahil alam niyang marami syang mapapasaya..

    at si pilo, madrama nga ang buhay niya.. marahil kasi marami pa siyang hinahanap na kahulugan ng buhay.. maaari din na dala ito ng marami nyang gustong gawin sa buhay.. matatapos ang drama, dahil lahat ng kwento, alam kong magtatapos pa rin na masaya..

    sige lang.. :)

    TumugonBurahin