Martes, Setyembre 28, 2010

Wishlist

Malayo pa ang pasko o kaarawan ko, pero sa puntong ito mukhang trip ko ata ang gumawa ng listahan ng gusto kong makuha o sa madaling salita, wishlist. Hindi pala biro ang gumawa ng wishlist, pero susubukan kong isa-isahin ang mga bagay na gusto kong makuha sa mga susunod na araw, buwan o siguro sa susunod na taon o hindi kaya sa susunod at susunod pang taon.

#1 New family picture. Hindi ko na alam kung kailan kami huling nagkaroon ng family picture. Halos wala na rin akong makitang larawan na magkakasama kami. ‘Yung huling kopya (na nasa Cebu kami) ginamit ko sa isang scrapbook project noong college. Kaya kung magkakaroon man kami ng isa, gusto ko sana yung pusturang pustura kami at may isang wacky pose. Hahaha!

#2 Meet Angel Locsin in-person. Minsan lang akong maging tao, kaya kung may pagkakataon gusto ko makasama si Angel sa kahit na anong gawain. Walang kaso kung may ibang tao, basta’t may pagkakataon na makapag-usap kami. Napaka-ambisyoso ko, pero sinong makakapagsasabi – hahaha! Humirit pa.


#3 Blackberry playbook. Wala naman talaga akong hilig sa mga gadget, maging nasa uso man o luma ang mga iyan. Kaya huwag na kayong magtaka kung makita ninyo akong nagsusulat sa postcard. Lumang kaluluwa talaga ako.  Ngunit ang isang ito gusto kong mahawakan at magamit dahil sa sinasabing kakaiba nitong features – kung anuman ang mga iyon.

#4 Gitara. Hindi ako marunong tumugtog ng gitara, sa katunuyan gusto kong matuto kaya nasa listahan ang bagay na ito. Masayang matuto ng mga bagong bagay, sana nga lang maging madali para sa akin. Parte na kasi ng sistema ko ang musika kaya tatangkain kong gumawa ng kanta sa pagkakataong ito.

#5 Magic 8-ball. Isang beses ko lang nakita ang napaka-ordinaryo’t nakaka-aliw na laruang ito sa isang mall sa Ortigas at hindi ko pa nabili. ‘Yun kasi ang panahon na naiwan ko ang ATM card ko at wala akong dalang pera. Kaya ngayon, mahigit walong buwan ng out-of-stock ang laruang ito ayon sa pitong malalaking mall na pinuntahan ko. Malas.

#6 5-day silent retreat. Matagal ko na talagang gusto ito. Noong college, maraming pagkakataon na nalalampasan ko ang samu’t saring imbitasyon mula sa mga kaibigan, guro at kaklase. Kaya ngayon pilit ko naman hinahanap ang pagkakataong mayakap ang sinasabing katahimikan sa kabila ng ingay na dala ng siyudad.
 
#7 Thai Massage. Isang magandang regalo para sa laging pagod na katawan. Isang luho na magdadala sa’yo sa kakaibang pakiramdam at ginhawa. Masaya na paminsan-minsan nireregaluhan mo ang iyong katawan matapos na abusuhin at gamitin ng sapilitan. Ito na ata ang pinakamalupit na pagsasalarawan ko sa katawan. Haha!

#8 Trip to Singapore. Gusto kong tumapak sa isang bagong lugar na may iba’t-ibang itsura ng tao. Nais ko kasing tuklasin ang iba’t-ibang kultura ng ibang lahi. Kahit na malapit sa bansa, iba pa rin kasi ang mga Asyano kumpara sa ibang nilalang. Gusto ko rin bumili ng mga bagay at kumain ng ibang pagkain na wala sa bansa. Oh sige, ‘yung una’t pangalawang dahilan, palusot ko lang at ‘yung huling rason ang totoong intensyon ko.

#9 Girlfriend. Nakakatawa. ♥

Isang malaking ‘Haaay’. Hindi ko alam kung isa sa kanila ay matutupad sa mga susunod na araw, buwan o siguro sa susunod na taon o hindi kaya sa susunod at susunod pang taon, pero sana sa pagdating ng panahon mas maintindihan ko pa ang konsepto ng kaligayahan - hindi man sa piling ng isa sa aking wishlist. Ikaw, ano nasa wishlist mo?  

Linggo, Setyembre 26, 2010

Punto Niya. Kalituhan Ko.

Punto niya.

Ang pinakamasarap na parte ng hapag ay ‘yung nasa hulihan. Kwento pa niya. Ngunit balewala ang dala nitong sarap kung hindi mo rin naman titikman ang mga nauna.

Bago mo raw maranasan ang masarap na huling parte ng buhay dapat muna raw madama, malanghap at mayakap ng maigi ng sinuman ang kanyang nakaraan o past. Ito ang tema ng buong sermon ng magaling na pari sa isang maliit na parokya.

Kalituhan ko.

Oo nga naman. Hindi nga naman maaring husgahan ang isang kwento sa biglang pagtingin at pagbasa ng huling parte nito. Dapat nga namang tignan ang kabuuang konteksto at kaisipang naihatid at naihayag ng mga salitang ito.  

Ngunit, ano nga ba ang masarap na panghimagas o magandang kwento?
Bakit madalas katakutan ang kamatayan sa halip na paghandaan?
Bakit ganoon na lang kahirap damhin, langhapin at yakapin ang nakaraan?

Oh ayan.
Nag-iisip na naman pala ang buong sistema ko. 

Biyernes, Setyembre 24, 2010

Paano Mo Kukulayan Ang Mundo?




Para sa mga nahihirapang unawain ang maikling kwentong ito, nawa’y makita ninyo ang totoong dahilan kung bakit may iilan pa ring handang kulayan ang mundo sa kabila ng madidilim ninyong nakikita at malalabo ninyong pag-unawa.

Maraming salamat sa mga nakaunawa at nakauunawa. 

Biyernes, Setyembre 17, 2010

Four Seasons

Big street. Sa mga nagtataasang gusali - sa malalawak na kalye, makikita ang napakaraming simbolo ng pag-asa. Sinasabing oportunidad at tagumpay ang kakatok sa tadhana ng sinumang matyaga at nagsusumikap.

Shining pebbles. Naglalabasan ang mga naggagandahang palamuti na nakasabit sa taas, sa tuwing uuwi ang malaking dilaw. Marami ang nagtatanim ng pangako, hiling at marahil pag-asa sa mga mumunting punla ng langit. 

Silver drop. Luha sa mga may mabibigat na dala habang pigura ng tunay na kaibigan naman sa iilang nilalang. Kakaibang patak na nanggagaling sa taas hudyat marahil na may paparating na surpresa para sa lahat na nakatingala.

Green sky. May kapangyarihang dala ang bughaw at puting pinta na mula sa tela ng kalangitan na hindi kayang ihayag sa mga salita. Magandang kinabukasan ang dala nito sa lahat ng mga umaasang kaluluwa, maliliit man o malalaking likha. 

Miyerkules, Setyembre 15, 2010

Ang Biodata ni Pilo

BIO DATA
           
Name: Pilosopong Komikero
Nickname: Pilo
Sex: Lalaking Pemenista
Age: Palaging bata, hindi tatanda
Civil Status: Wala pang asawa pero may puso
Citizenship: 101% sa bansa ng kayumanggi
Contact Number: Isang sipol lang

Home Address: Sa lugar na may masasayang tao at may masarap na laing at gata.
Telephone No.: Hindi ko alam kung gumagana pa.

Current Address: Sa lugar na may maraming tao na naghahanap ng trabaho at buhay.
Telephone No.: Hindi ko kabisado.

Occupation: Estudyante ng buhay/ Taga-kwentong hindi kumikita ng pera.
Nature of Work: Naghahanap ng mambabasa, kaibigan at pansin.

Name of Employer: Si Bossing
Address: Langit c/o San Pedro

TIN (Tax ID No.) or SSS or GSIS No.: N/A

Huwebes, Setyembre 9, 2010

Ang Tipo Kong Babae

Sa mundong nilikha nila Belo at Calayan,
Kababaihan nagkakagulo sa iisang kagandahan.
Maputing balat daw dapat ang kailangan,
Sa paglakad, 36-24-36 din daw dapat ang katawan.

Sa kalsada, larawan ng mga artista ang makikitang pigura.
Mukha nila Kim Chui, Kris Aquino at Marian Rivera,
Ito din daw kasi hilig ng mga motorista’t namamasada.
Mga kagandahang minsa’y hiram sa balat ng teknolohiya.

Sa paligsahan, suot suot nila’y ibibida.
Balingkinitang katawan kanilang irarampa.
Maiitim at maliliit hindi daw dapat umeksena,
Mga mala-tore’t higanteng taas dapat ang mga reyna.

Kaya sa paaralan, kalsada at maging sa opisina,
Samu’t saring inggitan, sa kababaihan mo’y mapupuna,
Sa kung alin ang tamang paraan ng pagpapaganda.
Sa gaya ko, hindi ganito ang gusto kong ganda.

Sa namamayagpag na modernong mundo,
Nawa’y ang kagandahan hindi makulong dito.
Na ang kababaihan may iba’t ibang ganda at tipo,
Na ang kagandahan nagmumula sa loob at puso.

Kung alam lang ng mga kababaihan,
Na walang iisang mukha ang kagandahan.
Hindi sisikat sila Belo at Calayan.
Walang Miss Universe at wala ring inggitan. 

Martes, Setyembre 7, 2010

Kung Bakit Ako Nagsusulat

Sa mga oras na naglapit ang imahinasyon at puso ko, yun ang mga mahahalagang punto na nagiging ako ang bawat salitang ipinipinta ko.

Hindi ako magaling na manunulat gaya ng ilang kilala ko, basta ang tanging alam ko totoong manunulat ako.

Sa mga oras na katabi ko ang musika, iba’t ibang kilalang mukha ang nakikita ko. Nakikita ko siya na nalulungkot sa bawat salitang nababanggit ng hangin para sa kanya. Nakikita ko ang tagumpay niya sa bawat ngiting nakapinta sa mukha niya. Nakikita ko ang pagsisikap niya sa bawat palihim na bagay na ginagawa niya. Maaaring mahina ang pakiramdam ko pero hindi ang nararamdaman ng puso ko.

Sa mga oras na kasama ko ang kaluluwa ko, iba’t ibang bagay ang higit kong pinapasalamatan. Natutuwa ako na nariyan Siya sa tabi ko sa kabila ng sunod-sunod na pagsubok na pinagdaraanan ko. Natutuwa ako na nakatayo pa rin ang bahay ko sa kabila ng bagyong naranasan nito. Natutuwa ako na nariyan silang lahat, kumpleto’t buo na sasama sa paglalakbay ko. Maaaring makasarili ako pero hindi sa pagmamahal na kaya kong ipamahagi.

Sa mga oras na kaibigan ko ang panahon, iba’t ibang bagay ang nagagawa ko. Kayang gumalaw ng daliri ko para tipahin ang bawat titik na nais nitong ikuwento. Kayang sumabay ng imahinasyon ko sa saliw ng iba’t ibang emosyong nararamdaman ko. Kayang tumakbo ng mata ko sa kilo-kilometrong layo ng kaisipan ko. Maaaring malabo ang paningin ko pero hindi ang mga nakikita ko.

Sa mga oras na ito, kaya kong sumalat ng totoong kwento.

Lunes, Setyembre 6, 2010

Kwentong Bata

Noon pa man makakita lang ako ng bata buong buo na ang araw ko. Lumaki ako na may maraming batang nakikita at nakakalaro. Una kong piniling hanap-buhay ay may kinalaman din sa pakikitungo sa mga bata. At maging sa ngayon, kausap ko rin mga bata na may batang kaluluwa.

Likas silang masiyahin at puno ng enerhiya na nakapaloob sa kanilang sistema. At dahil minsan sadyang lang talaga silang nakakatawa.

Unang tagpo: Isang umuulang araw sa pampasaherong FX sa Ortigas...

Bata#1: Mama, gusto ko 'pag high school ko, d'yan ako mag-aaral ah. (Sabay nguso sa Poveda College)
Nanay#1: Nathan naman, for girls only yan eh.  

Minsan kahit anong suporta sa mga bata, ang institusyon pa rin ang magpapasya at magtatakda. Higit sa anupaman, ang tangi mong magagawa ay ang suportahan sila sa kung saan nila gustong lumaki at kung saan nila gustong matuto habang lumalaki. Gabay mo ang pasaporte nila.

Pangalawang tagpo: Isang maulan na hapon sa isang mall sa Sta. Mesa, isang mag-ama ang kumakain - isang lamesa ang pagitan sa aking kinauupuan...

Tatay#1: Baby hurry up, daddy's not feeling well na.
Bata#2: Oh no! No... (*nag-aalalang tugon)
Tatay#1: I love you 'nak. (*mukhang naapektuhan dahil sa pag-aalala ng anak)
Bata#2: How can you buy me a magic pencil, if you're not feeling well?

Sinilip ko ang reaksyon ng tatay, naku't mukhang nagbago. Patay kang bata ka!
Minsan kahit anong pagpapakita natin ng ating mga nararamdamang kahinaan sa kanila, nauuna pa rin ang natural nilang pagiging bata. Tugon man nila'y hindi natin minsang inaasahan at naiintindihan, isipin na lang natin na mundo ng mga bata ang ginagalawan nila at sila ang bida dito. Ang pagdaan sa yugtong ito ay mahalaga, bukod marahil sa magic pencil.

Huling tagpo: Habang binubuksan ko ang nakasaradong gate ng bahay, isang makulit na anim na taong gulang na batang lalaki ang agad na tuwang tuwang lumapit sa akin...

Bata#3: Kuya Marsheeee! Ang snub mo naman.
Ako: Eh kakalapit mo lang eh, oh eh di "Hi Cai!"
Bata#3: Hindi yan, i-greet mo naman ako. Birthday ko na bukaaas!
Ako: Okay sige. (Habang papasok na ng bahay)
Bata#3: Hmmmp... bahala ka nga!
Ako: Kasi nga di ba, bukas pa naman!
Bata#3: Oh ewan ko sa'yo! (Habang patakbong palayo sa akin)

Hindi ko alam kung malulungkot ako o matatawa sa reaksyon ni Cai sa sinabi ko. Malay ko bang gusto nya nang marinig ang pre-birthday greeting ko. Kaloko!

Madalas magtampo ang mga bata sa lahat ng mga bagay na minsan sa tingin nating matatanda ay mababaw. Ngunit makalipas ang minuto o oras, nawawala din agad ang di-gaanong magandang timpla ng kanilang pakiramdam. Walang halong sama ng loob ika nga. Higit nilang pinahahalagahan ang oras at bawat bagay na ginagawa nila maging malaki man o maliit ito para sa atin.

Minsan ang kwento ng mga bata, maging nakakatawa man o hindi, ay kapupulutan nating mga matatanda.  
 
Oh siya! Happy birthday Cai (bukas)!