May kwento ako na maaaring naging kwento din ninyo. (Kung hindi man ito ang mainam na pambungad na pangungusap marahil ito na ang mas malapit sa munti kong kwento.)
Nabigyan ako ng isang pagkakataon na samahanan ang pangalawang direktor ng kinabibilangan kong maliit na produksyong pangtelebisyon. Tanghali at mainit ng sinundan namin (pangalawang director, utility at ako) ang isa sa kontrobersyal na tao (sa mga panahaon ngayon) sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa. Mainit ang balita ngayon kaya samu’t saring grupo ng mamamahayag ang nakaparada sa loob at labas ng sinasabing bilangguan ng mga matitigas.
Nagpaiwan ako sa labas dahil sa tatlong rason; una dahil pinili kong magbantay ng gamit namin (wala kasi kaming dalang sasakyan); pangalawa medyo tinatamad akong sundan ang direktor dahil mataas pa ang sikat ng araw at huli dahil wala akong Media ID o na pagkakakilanlan bilang isang mamamahayag. Nakakagulat lang dahil nagawa nilang makapasok kahit sa harapan lang ng nasabing gusali
Sa isang tabi sa may bandang kanan sa harap ng nasabing piitan makikita ang iba’t ibang sasakyan ng media, mga naghahanda para sa live coverage at ibang nakiki-usyusong gaya ko.
Pinili kong tumabi sa ‘kinabibilangan’ kong istasyon. Malamang.
Inagaw ang atensyon ko ng isang maliit na monitor ng TV, dahil sa ekslusibo nitong kuha sa paglaya ng isang suspek na matagal na nakulong sa kilalang kaso ng paghalay at pagpatay. Kilala ang pamilyang nasangkot kaya ganito na lang ang atensyon na ibinubuhos nitong mga mamamahayag.
Sa bandang likuran napapansin ko ang isang ‘di gaano katangkarang gwardiya na panay ang tingin sa akin. May kaliitan ang mata at may itim na nunal sa kaliwang pisngi ng ilong. Hindi ko pinansin dahil tutok pa rin ang interesadong mata ko sa bagong nangyayari.
Yakap yakap ng tuwang tuwa’t emosyonal na ina ang bagong layang anak. Ganito na lang ang emosyon dahil sa loob ng halos labing limang taon ay makakalaya na ang anak mula sa kontrobersyal nitong kinasangkutan. Magandang pamasko, ika nga.
Nang muling mawala ang atensyon ko sa monitor, napansin kong panay pa rin ang pagsulyap sa akin ng gwardyang may kaliitan ang mata at may itim na nunal sa kaliwang pisngi ng ilong. Ginantihan ko ng mabilis na tingin at sabay balik-tutok sa telebisyon. Mula sa gild ng aking paningin nakikita kong tinitingnan niya ako mula paa hanggang ulo na akala mo’y isang mamahaling estatwa. Bahagyang nilisan ko ang lugar na tinumpukan ng mga nakikibalita upang tingnan sa ‘di kalayuan ang ginagawa ng bagitong direktor. Nang masiguro ko ang kanyang kalagayan, agad akong bumalik sa dating lugar.
Pansamantalang lumayo ang pwesto ko sa una kong pwesto, dahil bahagya ring nadagdagan ang mga nakikinood.
Pinilit ko pa rin ang sarili ko na pakinggan ang mga salita ng tumatangis na ama ng mga naging biktima ng sinasabing kontrobersyal na krimen. Nang halos matapos na ang hiwalay at maikling press conference ng nasabing ama at grupo ng mga abogado, boses naman ng gwardyang may kaliitan ang mata at may itim na nunal sa kaliwang pisngi ng ilong ang aking narinig.
Sino ka? Ano ginagawa mo dito?
Ahh ako po? Taga ANC – Storyline po ako.
Taga ANC ka?
ANC – Storyline po, opo.
Pakita nga ID mo.
Intern po ako, wala po kaming ID.
Huh? Paano ka nakakapasok ng ABS CBN?
Eh ‘di visitor’s ID po. (Nakalimutan kong sabihin na wala sa ABS CBN compound ang opisina namin)
Wala kang ID?
Opo.
Imposible. (pabulong)
Oo nga po.
Kanino ka under?
Kay P. E--- (kumpletong pangalan) po.
Kanino?
Kay P. E--- po.
(natahimik ng bahagya, hindi niya siguro kilala o pilit niyang inaalala ang nabanggit na pangalan)
Bakit po?
Wala lang, nagtatanong lang. (may kaunting asar sa mukha)
Ah okay po, intimidating po kasi kayo magtanong.
Aminado ako na masyado akong nagulat sa mga tanong niya. Hindi ko naman inaakalang sa lahat ng taong pwede niyang tanungan ako ang mukhang pinagdududahan niya sa bagay na siya lang ang nakakaalam kung bakit.
Nakakaasar na nakakatawa ang tagpong kasama ang gwardiyang may kaliitan ang mata at may itim na nunal sa kaliwang pisngi ng ilong.
Ganito lang naman yun. Kung hindi ka nagmula sa isang promenenteng pamilya hindi ka mapapansin. Kung hindi ka mayaman malamang wala kang karapatan at hustisya. Kung nakabihis at pormang estudyante ka malamang pagdududahan ka ng isang gwardiyang may kaliitan ang mata at may itim na nunal sa kaliwang pisngi ng ilong. Kaya sa bawat oras at sitwasyon na gaya nito ang mainam daw na sagot ay ang pagkakakilanlan - pusang kinalbo, wala ako noon.
Pasensya manong gwardiyang may kaliitan ang mata at may itim na nunal sa kaliwang pisngi ng ilong. Pasensya kung wala akong pagkakakilanlan gaya mo. Hayaan mo balang araw may mapapakita na ako sa’yo at sa mga gaya mong hindi kinikilala ang simpleng katotohanan mula sa hindi kilalang tao.
(Dumaan ang isang kilalang mamamahayag.)
Serrr, musta?
Saan dito ang malapit na CR?
Serr, doon sa dulo kaso may amoy ‘ho ng unti.
Oh sige, salamat ahh.
Sige serr.
Pasensya manong gwardiyang may kaliitan ang mata at may itim na nunal sa kaliwang pisngi ng ilong dahil hindi ako gaya niya.
Sinulat ko ito para lang kahit papaano magkaroon ng kaunting katarungan kahit isang araw lang sa aking munting espasyo. Sinulat ko ito para sa’yo. Bilang aking pahayag ng paumanhin itataas ko ang gitnang daliri ko para sa’yo at sa mga gaya mo.